Home NATIONWIDE 2 casual gov’t workers sinibak sa pagpapakalat ng fake news

2 casual gov’t workers sinibak sa pagpapakalat ng fake news

MANILA, Philippines – Sinibak sa serbisyo ang dalawang casual government employees sa E.B. Magalona, Negros Occidental matapos na magpost umano ng maling impormasyon sa social media tungkol sa mga celebrity performer sa paparating na 35th Ugyonan Festival.

Noong Abril 2, naglabas ng dalawang official poster ang Public Information Office (PIO) tungkol sa mga artista na magtatanghal sa paparating na pista, kabilang dito sina
Super Tekla, Donita Nose, at rapper na si Nik Makino.

Sa kabila nito, nakarating sa lokal na pamahalaan na may mga kumakalat na umanong pekeng poster na nag-aanunsyo ng iba pang artista na dadalo sa pista kabilang sina Arthur Nery, Taylor Swift, Hev Abi, Flow G, at Vivamax artists.

Ang mga pekeng poster na ito ay may nakalagay pang official seal ng munisipyo at official logo ng 35th Ugyonan Festival.

Ayon sa PIO, nagdulot ng kalituhan sa publiko at nakasira sa integridad ng official Facebook page ng bayan ang naturang mga post.

Dahil dito ay humingi ng tulong si Mayor Marvin Malacon sa mga awtoridad upang matunton ang pinagmulan ng fake news, kabilang ang mga nag-share at nagrepost ng pekeng post.

Nagbabala ang lokal na pamahalaan sa publiko laban sa pagpapakalat ng mga maling impormasyon sa social media dahil posible silang masampahan ng libel charges.

Kasalukuyan nang kinakalap ng mga awtoridad ang screenshot ng mga Facebook post na may peke at malisyosong post para masampahan ng kaukulang kaso laban sa mga sangkot dito. RNT/JGC