Home HOME BANNER STORY 2 Chinese, 3 Pinoy na hinihinalang espiya na nag-iikot sa Malakanyang, arestado...

2 Chinese, 3 Pinoy na hinihinalang espiya na nag-iikot sa Malakanyang, arestado ng NBI

ARESTADO ang 2 Chinese at 3 Pinoy na pinaniniwalaang mga espiya na naglilibot sa Metro Manila kabilang na sa Malacañang. Narekober mula sa kanila ang mga surveillance equipment tulad ng IMSI (International Mobile Subscriber Identity) catcher na nakakakuha ng mga sensitibong impormasyon at data sa mga nadadaanan nilang lugar. CESAR MORALES

MANILA, Philippines – Arestado ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang Chinese at tatlong Pinoy na pinaniniwalaang mga espiya na naglilibot sa Metro Manila kabilang na sa Malacañang.

Ipinrisinta ni NBI Director Jaime Santiago ang mga naarestong banyaga na sina Ni Qinhui at Zheng Wei habang ang tatlong Filipino ay nakilalang sina Mark Angelo Binza, Leo Laraya Panti at Omar Khan Kashim Joveres.

Ayon sa NBI, kabilang sa mga iniikutan ng mga suspek ang Villamor Airbase, Camp Aquinalo, Camp Crame at US Embassy at iba pa para sa P2.5 milyon hanggang P3 milyon kada buwan na bayad.

Sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan ng NBI, nagtungo ang mga ahente nito sa bahay ni Qinhui kung saan ito naaresto kasama ang kasabwat na si Wei.

Inamin ng asawa ni Qinhui na si Melody na mayroon ICT equipment (IMSI catchers) sa kanilang condominium unit at kinuha ng kanyang mister bilang tauhan sina Omar, Leo at Mark na magpatakbo sa ICT equipment sa Metro Manila.

Bilang patunay na hindi sangkot ang asawa ni Qinhui, boluntaryo nitong isinuko ang ilang sets ng nasabing equipment o International Mobile Subscriber Identity (IMSI) catchers sa mga tauhan ng NBI. Jocelyn Tabangcura-Domenden