MANILA, Philippines- Arestado ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang Chinese national sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 matapos magpresenta ng mga pekeng exit clearance noong Enero 24.
Sa ulat kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, sinabi ni BI NAIA 3 head Dennis Javier na ang dalawang Chinese na kinilalang sina Wang Changru, 53 at Cui Wen, 33, ay pinahinto sa pagsakay ng Cathay Pacific Airlines flight papuntang Hong Kong dahil sa pagpapakita ng mga pekeng dokumento.
Napag-alamang overstaying ang dalawa, na parehong dumating noong 2019.
Gayunman, nagprisinta sila ng emigration clearance certificates (ECC) na inisyu umano noong Enero 23, na nagsasabing awtorisado silang manatili sa bansa hanggang Pebrero.
“The two men failed to realize that our centralized database can detect actual arrivals and verify documents presented,” ani Javier.
Nabatid na ang mga iprinisinta nilang ECC ay nakumpirma sa kalaunan na peke, na nag-udyok sa mga opisyal na agad na arestuhin ang dalawa.
Itinurn-over ang mga inarestong dayuhan sa legal division ng BI at mahaharap sa mga kasong deportasyon dahil sa paglabag sa Philippine Immigration Act of 1940. JR Reyes