MANILA, Philippines- Inirekomenda ng Department of Justice (DOJ) ang paghahain ng criminal cases laban sa dalawang Chinese nationals na sangkot umano sa mga ilegal na aktibidad sa Lucky South 99 sa Porac, Pampanga.
Kasunod ang aksyon ng DOJ sa mungkahi ng Philippine Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na maghain ng criminal complaints laban sa dalawa noong Hulyo. Nauna nang inendorso ng PAOCC ang paghahain ng qualified trafficking at kidnapping cases laban kina Jiang Shi Guang, 41, at Qin Ren Gou, 37, para sa umano’y papel ng mga ito sa organisasyon na nangasiwa sa Chinese citizens na nagtatrabaho sa Philippine offshore gaming operator (Pogo) Lucky South 99.
Subalit, sa resolusyon na may petsang Agosto 30, inirekomenda ng prosecutors ang paghahain lamang ng qualified trafficking case laban kay Jiang at kidnapping case laban kay Qin.
Hindi isiniwalat ang pangalan ng complainants, subalit isa sa kanila ay Chinese citizen na natagpuang nakatali sa bed frame at may mga pasa sa kanyang katawan nang salakayin ng Philippine law enforcers ang Pogo noong Hunyo. RNT/SA