MANILA, Philippines- Dalawang Chinese national ang malubhang nasugatan makaraang pasukin ang bahay at pagbabarilin ng hindi pa nkikilalang suspek na armado ng baril sa Ferrer Drive Brgy. Pasig Kawayan 2, General Trias City, Cavite.
Ginagamot ngayon sa Gen. Trias Medical Center ang mga biktimang sina Cai Nai Caho, 51, (lalaki) may asawa, 51, at Li Jin Shu,66 (babae), kapwa residente ng Silver Star hardware sa Brgy. Pasong Kawayan 1, ng nasabing lungsod.
Ayon sa nakalap na report, nakasuot ng kulay puting t-shirt ang suspek, tinatayang nasa 5’4 hanggang 5’6 ang taas, naka-itim na face mask, itim na cap at armado ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril.
Batay sa ulat, bandang alas-5:30 ng umaga nang naganap ang insidente sa loob ng Silver Star Hardware na matatagpuan sa Ferrer Drive ng nasabing lugar kung saan nasa 2nd floor ng bahay na tinutulugan ang mga biktima nang atakihin ito ng suspek.
Ayon sa binigay na salaysay ng bayaw ng biktima na si Kim Sy at may-ari ng hardware, natutulog siya sa kanyang kwarto nang naalimpungatan siya sa putok ng baril kaya tinangka nitong lumabas upang alamin ang kaganapan subalit nang natunugan nitong paparating ang suspek ay agad nitong isinara ang pintuan ng kanyang kwarto.
Narekober sa crime scene ang anim na basyo na hinihinalang mula sa kalibre 9mm, isang piraso ng slug mula sa kalibre 9mm at dalawang CZ TS2 pistol at Glock G22 na nakareshistro kay Kim Sy Pascual.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang mabatid kung anong motibo sa tangkang pagpatay sa mga biktima at inaalam din kung may motibo ng pagnanakaw.
Patuloy ang masusing pagsisiyasat ng pulisya sa Closed Circuit Television (CCTV) sa dinaanan ng suspek papasok ng bahay para na rin sa pagkakakilanlan ng suspek. Margie Bautista