ALBAY – PATAY ang dalawang college student habang sugatan ang dalawa matapos mabangga pampasaherong bus iniulat kahapon sa bayan ng Malilipot.
Kinilala ang mga nasawi na sina Stanly Callos Arcega, 18 anyos, estudyante ng Estancia Malinao Albay at Eldrich Cao Shein.
Nilapatan naman ng lunas sa Dr. Lorenzo P. Ziga Memorial Hospital ang mga sugatan na sina Jeremhie Praxidio Cea, 18 anyos, taga Estancia, Malinao Albay, habang inaalam ang pagkakakilanlan ng isa pang sugatan.
Kasalukuyan naman sa kustodiya ng Malilipot Municipal Police Station ang suspek at driver ng Bobis Bus Line na si Richard BonaƱos Buela, 44, may-asawa at residente ng Sta. Cruz, Malilipot, Albay.
Batay sa report ng pulisya, bandang 6:00 AM ng maganap ang insidente sa kalsadang sakop ng Purok 2, San Francisco, ng naturang bayan.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ng suspek ang bus nang biglang tumawid ang isang Rafael Barbacena.
Dahil dito, biglang kinabig ng suspek ang bus para iwasan na mabangga si Barbacena subalit napunta ito sa linya ng mga biktima at nahagip ang motorsiklong minamaneho nina Arcega at Shien.
Sa lakas ng pagkakabangga tumilapon si Arcega sa kanal na agad naman dinala sa ospital subalit idineklara na rin patay ng umatending doktor.
Umilalim naman sa bus si Shien na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.
Itinakbo naman sa ospital ang mga sugatan para lapatan ng lunas ang mga tinamong sugat.
Nakatakda naman sampahan ng kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide, physical injuries and damage to property./Mary Anne Sapico