Home NATIONWIDE 2 dayuhang nagnakaw ng P340.7M sa cybercompany kinasuhan ng DOJ

2 dayuhang nagnakaw ng P340.7M sa cybercompany kinasuhan ng DOJ

MANILA, Philippines- Kinasuhan ng Department of Justice (DOJ) ang dalawang Russians dahil sa pag-hack sa system ng isang kompanya sa Pilipinas at pagnakaw sa XRP, ang cryptocurrency at native token ng open source blockchain na nagkakahalaga ng P340.7 milyon.

Isinampa na ng DOJ sa Taguig RTC ang kasong paglabag sa Section 4 (a)(1) ng Republic Act (RA) 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012 laban sa dalawang dating consultant ng Coins.ph.

Ang isa ay sinampahan ng 23 bilang ng paglabag sa Cybercrime Prevention Act habang ang isa ay sinampahan ng tatlong bilang ng nabanggit na kaso.

Itinakda ang piyansa sa P120,000 sa kada bilang ng kaso.

Ang kompanyang Coins.ph ay nasa hanay ng remittance, pagpapadala ng pera, foreign currency exchange at iba pang money transactions.

Nag-ugat ang kaso nang magreklamo ang security team ng naturang kompanya.

Inakusahan ng DOJ ang mga respondent na tinangkang ilipat ang mga ninakaw na pondo sa pamamagitan ng cryptocurrency services.

Binigyang-diin ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na mandato ng DOJ na tiyakin na nangingibabaw ang Rule of Law kahit sa mundo ng cyberspace. Teresa Tavares