Home NATIONWIDE 2 durugista swak sa selda sa P32.4M droga

2 durugista swak sa selda sa P32.4M droga

Nasamsam ng mga pulis ang ilegal na droga na nagkakahalaga ng P32.4 milyon at naaresto ang dalawang hinihinalang drug pusher sa magkakahiwalay na operasyon sa Benguet, Kalinga, at Baguio City noong Huwebes, Enero 23.

Natagpuan ng mga awtoridad ang 22,000 fully grown marijuana plants at 230 gramo ng tuyong marijuana leaves at mga tangkay na nagkakahalaga ng PHP32 milyon sa apat na plantasyon sa Barangay Tulgao West, Tinglayan, Kalinga.

Bukod dito, natagpuan din ang 1,600 marijuana plants na nagkakahalaga ng P320,000 sa mga plantasyon sa Barangay Tacadang, Kibungan, at Barangay Sagubo, Kapangan.

Nahuli ang dalawang suspek sa buy-bust operations. Isang 27-taong-gulang na babaeng suspek mula sa Tabuk City ang naaresto matapos ang isang search warrant operation, kung saan nakuha mula sa kanya ang walong sachets ng hinihinalang shabu na may bigat na 13.1 gramo at nagkakahalaga ng PHP89,080.

Sa Baguio City, isang 26-taong-gulang na lalaking suspek ang nahuli sa isang buy-bust operation, at nakuha mula sa kanya ang 0.71 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng PHP4,828.

Tiniyak ng mga pulis na ipagpapatuloy nila ang kampanya laban sa iligal na droga sa rehiyon ng Cordillera. Santi Celario