MANILA, Philippines – Arestado sa ikinasang buy-bust operation ng mga miyembro ng District Drug Enforcement Unit-Southern Police District (DDEU-SPD) ang dalawang indibidwal sa Las Piñas City.
Sa report na natanggap ni SPD Director P/Brig. Gen. Leon Victor Z. Rosete ay kinilala ang dalawang nadakip na suspects na sina alyas Allan, 23, isang high value individual (HVI) at si alyas Raymark, 27, na isa namang street level individual (SLI).
Sinabi ni Rosete na nadakip ang mga suspect nitong nakaraang Huwebes sa ikinasang buy-bust operation ng DDEU sa Barangay Talon Singko Las Piñas City.
Sa isinagawang operasyon ay narekober sa posesyon ng mga suspects ang isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu na may timbang na 49.18 gramo na nagkakahalaga ng P334,424, P1,000 na nakapatong sa 62 piraso ng tig-P1000 na boodle money na ginamit sa naturang operasyon.
Ang mga suspects ay kasalukuyang nasa kustodiya ng DDEU at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) sa Las Piñas City Prosecutor’s Office. (James I. Catapusan)