BULACAN, Philippines – Arestado ng mga awtoridad ang Top 1 Most Wanted Person (Municipal Level) sa bisa ng Warrant of Arrest sa lungsod ng Baliwag nitong Agosto 19.
Sa report ni PLT Jayson San Pedro, chief of police ng Baliwag police station, kinilala ang suspek na si alyas “Kikay”, 40, residente ng Brgy. Poblacion.
Ayon sa report, isinagawa ang operasyon ng tracker team ng istasyon dakong 12:30 ng tanghali sa Brgy. Pagala.
Ang warrant na inihain sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 – Possession of Equipment and Paraphernalia for Dangerous Drugs (RA 9165, Article II, Section 12) ay inilabas ng RTC Branch 77, Malolos City noong Abril 16, 2025 para sa service of sentence.
Samantala, huli rin sa buy-bust operation ng Pulilan police station ang isang alyas “Patu”, 30 ng Brgy. Bongga Menor, Bustos na nabilhan ng poseur buyer at nakumpiskahan ng 18.80 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P80,240, caliber .38 revolver na may dalawang bala, Honda PCX motorcycle, Louis Vuitton bag, pouch, mga cellphone, Lenovo laptop at Patel Philippe watch.
Sinasabing ang suspek ay natukoy rin na responsable umano sa insidente ng basag-kotse sa lungsod ng Baliwag at Bustos matapos mabawian ng mga ninakaw na gamit nitong madaling araw ng Agosto 20, sa Brgy. Longos, Pulilan.
Nahaharap ang mga suspek sa kaukulang kaso habang nakakulong sa mga istasyong humuli sa kanila. (Dick Mirasol III)