Home METRO 2 empleyado kalaboso sa pamemeke ng tseke

2 empleyado kalaboso sa pamemeke ng tseke

MANILA, Philippines- Dalawang empleyado  ng gobyerno ang naaresto makaraang pekein ang tseke  at palitan ang halaga makaraang  pagdudahan sa ginawang pagwi-withdraw nito sa isang bangko sa Imus City, Cavite.

Ayon sa report ng pulisya, kinilala ang suspek na si alyas Rhea ng Brgy. Medicion 1-B, at Jacquelyn ng Brgy. Poblacion 1-A, kapwa residente ng nasabing  lungsod dahil sa reklamo ni alyas Cathy.

Sa ulat, ipinagkatiwala ng biktima kay Rhea ang dalawang Veterans bank cheque na may petsang April 16, 2024 na nakapangalan para sa Barangay Medicion 1-B na nagkakahalaga ng P4,000.

Napag-alamang bandang alas-3:15 ng hapon nang maganap ang pagkuha ng pera, kung saan ginamit umano ni Raquel ang kanyang posisyon nang pinalitan nito ang halaga ng tseke sa P120,702 na may petsang May 10, 2024 at sa nasabi ring araw ay kinuha rin ang nasabing tseke kasama si Jacquelyn sa nasabi ring bangko na matatagpuan sa kahabaan ng Aguinaldo Highway, Brgy. Bayan Luma IV ng naturang lugar.

Subalit, nagduda ang bangko kaya tinawagan nila ang biktima kaya sumugod ito kasama si Raquel kung saan inamin ng huli na siya ang may pakana ng pagpapalit ng tseke.

Narekober sa compartment ng motorsiklo ang dalawang piraso ng tseke, ang isang pinalitan ng halaga at isang Pilot Frixion point na photocopy ng cheque na ipinagkatiwala ng biktima kay Raquel, deposit slip na kapareha ng check number na para sa account ng Sangguniang Kabataan ng Medicion 1-B, cash na nagkakahalaga ng P122,200, isang unit ng Techno cellular phone na pagmamay-ari ni Raquel, at motorsiklong pagmamay-ari ni Raquel.

Kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Malversation of Public Funds and Property and Falsification of Public Document ang kinahaharap ng mga suspek. Margie Bautista