Home NATIONWIDE Albayalde: Human right ‘di nasagasaan sa drug war ni Digong

Albayalde: Human right ‘di nasagasaan sa drug war ni Digong

MANILA, Philippines- Iginiit ni dating Philippine National Police (PNP) chief Oscar Albayalde na walang human rights violations sa madugong drug war ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, kung saan libo-libo ang namatay.

Inihayag niya ito sa gitna ng imbestigasyon ng International Criminal Court’s (ICC) sa mga pagpatay.

Sa isang panayam, sinabi ni Albayalde na nakasalig sa batas ang kampaya ng Duterte administration laban sa ilegal na droga at wala umanong kautusang labag sa batas mula kay Duterte.

“Ang pinatupad po natin is ‘yung ating tinatawag na Oplan Double Barrel, na wala naman pong nakasaad doon na every time meron kang nahuhuli ay pinapatay ‘yung mga nahuhuli. Ang nakasaad doon is to intensify ‘yung operations against illegal drugs,” giit ng dating PNP chief.

“Wala naman po kaming natanggap na unlawful order coming from the Commander-in-Chief nun. Siguro naririnig ng mga tao na kapag nagsasalita sa tv si dating PRRD, pero sa amin po wala siyang ginawa ni personal call, wala po siyang sinabi na ganun sa’min,” dagdag niya.

Ayon kay Albayalde, legal lahat ng kanilang police operations at bineripika ng Internal Affairs Service ng PNP.

“Motu proprio, pagkatapos po ng isang police operations, ay tinitingnan ‘yung kung ano ang pwedeng naging lapses, kung meron mang pananagutan ‘yung mga pulis natin sa baba. Meron tayong mga finile-an na nakita natin na that there is an irregularity sa kanilang police operations,” wika ni Albayalde.

Subalit, sinabi ni ICC Assistant to Counsel Kristina Conti na dalawang dating hepe, kabilang si Senator Ronald Dela Rosa, ang umano’y “primary enforcers” ng anti-drug campaign ni Duterte, ang dapat panagutin sa pagsunod sa mga umano’y kautusang nagresulta sa umano’y extrajudicial killings.

“Nung inutos ba at ipinatupad ‘yung war on drugs, e nagbunga ba ng patayan? Ang sagot dyan, oo. Kaya itong tatlong ‘to ang most likely na sinisilip ng ICC. ‘Yung role ni President Duterte palagay ko ay talagang sinisinsin ng ICC dahil siya ang pinagmulan ng lahat,” wika ni Conti.

Samantala, umaasa pa rin si Albayalde na maninindigan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagkalas nito sa ICC.

“We have a perfectly functioning justice system dito sa ating bansa. Baka pagtawanan tayo ng ibang mga bansa dyan na parang hindi natin kaya yung sarili nating gobyerno,” ani Albayalde.

“Kung meron po tayong mga summon na matatanggap ng ating gobyerno coming from the DOJ specifically dahil may protocol po silang susundin dyan, wala po tayong magagawa kundi susunod,” patuloy niya. RNT/SA