PALAWAN – Nasagip ang dalawang endangered Palawan leopard cat kittens sa Roxas, Palawan matapos matagpuang hiwalay sa kanilang ina, ayon sa mga awtoridad.
Una silang napagkamalang karaniwang pusa ngunit kalaunan ay kinilalang Palawan leopard cats, o “tamaral,” ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) at Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO).
Sinabi ni MENRO officer Engr. Marilo Manlavi na nadiskubre ang mga kuting matapos tuloy-tuloy na tumahol ang aso ng isang residente, na nag-udyok sa isang mag-asawa na tingnan ang lugar.
“Una po nilang napansin is ‘yung adult tamaral. Nung nakatakbo na po ‘yung adult tamaral, napansin din po nila ‘yung dalawang kitten. Hindi na sila makabalik doon sa kanilang ina,” ani Manlavi.
Dinala ang mga kuting sa Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center sa Puerto Princesa City kung saan sila aalagaan. Ipinaliwanag ni Manlavi na ang mga leopard cat na nahawakan na ng tao ay maaaring hindi na makabalik sa wild.
“Dahil nga po may mga pag-aaral po na kapag sila po ay nahawakan na ng tao ay mas gugustuhin na po nilang sumama sa mga tao kaysa po bumalik sa wild. Kaya kailangan po silang palakihin po dito sa ating [Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center] sa Puerto Princesa City,” aniya.
Ang Palawan leopard cat (Prionailurus bengalensis heaneyi) ay endemic sa Palawan at kabilang sa endangered species sa ilalim ng PCSD Resolution No. 23-967. Hinikayat ng mga awtoridad ang publiko na huwag lapitan o hulihin ang mga leopard cat at agad na i-report ang sightings sa tamang ahensya.
Pinayuhan din ng wildlife biologist na si Jay Fidelino ang publiko na makipag-ugnayan sa mga eksperto sa wildlife handling.
“Mas maganda na mag-contact sa [Department of Environment and Natural Resources] o kaya sa local na veterinarian para mas tama yung pag-handle especially predator ‘tong mga pusa na ‘to,” ani Fidelino. Mary Anne Sapico