MANILA, Philippines – Nangako si House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na aprubahan ang panukalang National Minimum Wage Act na naglalayong magpatupad ng iisang national minimum wage at alisin ang regional wage boards, ayon kay Kamanggagawa party-list Rep. Elijah San Fernando.
Sinabi ni San Fernando na ipinahayag ni Dy ang kanyang intensyon na ipasa ang substitute bill na pinagsama ang House Bills No. 55, 94, 3266, 4102, at 5924 sa isang courtesy call kasama ang mga mambabatas at labor leaders.
“This is historic and a big deal for workers,” ani San Fernando.
Dagdag pa niya, “This is an opportunity for the leadership of the House to leave a long-lasting economic and wage reform legacy for Filipino workers. We are grateful that Speaker Bojie Dy is stepping up to meet the moment.”
Kapag naisabatas, aalisin ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) at ililipat ang tungkulin nito sa reorganized National Wages and Productivity Commission (NWPC).
Magtatakda rin ang panukala ng iisang national minimum wage na ibabatay sa kasalukuyang minimum wage sa Metro Manila, na nasa P695 kada araw para sa non-agriculture workers at P658 kada araw para sa agriculture, retail, at maliliit na manufacturing workers.
May nakalaang tatlong taong transition period upang maiayon ang regional wages sa national rate. Ayon kay San Fernando, magiging makabuluhan ang pagpasa nito bago ang session break bilang paghahanda sa pagdiriwang ng Labor Day sa Mayo 1.
“If this will be passed, this will be a good gift to workers this coming May 1,” ani San Fernando. “But more than a gift, it is justice long overdue.”
Matagal nang isinusulong ng mga labor group ang unified wage system, na anila’y makatutulong upang matiyak ang patas na sahod para sa mga manggagawa sa buong bansa. RNT