TABUK CITY, Kalinga – Sinalubong na ni kamatayan ang dalawang estudyante habangsugatan ang isa matapos na mag-overshoot sa kalsada ang sinasakyan nilang motorsiklo at sumalpok sa isang traysikel sa Brgy. Bulanao, Tabuk City, Kalinga.
Napag-alaman na galing ang tatlong estudyante ng Kalinga National High School sa kanilang paaralan nang bumangga ang sinasakyan nilang motorsiklo sa isang tricycle sa intersection sa Bulanao National Road dito sa nasabing Lungsod.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, mabilis ang patakbo ng mga estudyante na naging dahilan para sumampa ang motor sa center island bago sumalpok sa tricycle.
Dahil sa lakas ng banggaan ay tumagilid ang tricycle na naging sanhi para masugatan ang isang pasahero na isang guro habang nagtamo ng malubhang sugat sa ulo ang dalawa sa mga estudyante na pawang mga walang suot ng helmet na naging sanhi ng agaran nilang pagkasawi habang ang isa ay patuloy na nagpapagaling sa Cagayan Valley Medical Center o CVMC.
Sadyang mabilis ang takbo ng motorsiklo na sinasakyan ng mga estudyante ay nawalan ng kontrol sa manibela ang tsuper ng motorsiklo na siyang nagresulta sa malagim na aksidente.
Ayon sa pulisya, halos araw-araw na silang nagsasagawa ng monitoring sa mga eskwelahan subalit may mangilan-ngilan pa ring mga magulang ang matigas ang ulo na hinahayaan at kinukunsinti ang mga anak na menor-de-edad na magmaneho ng motorsiklo na walang lisensya at kaukulang papeles.
Maliban sa kawalan ng papeles ay maraming mga estudyante ang nagmamaneho na walang helmet at safety gears kung saan ay halos araw-araw ay may naitatalang aksidente sa daan. Rey Velasco