MANILA, Philippines- Sinabi ng Quezon City Police District (QCPD) na nakahanda na ang deployment plan ng mahigit 4,700 na QC police para matiyak ang seguridad sa paparating na Undas 2024.
Ito ang sinabi ni QCPD acting Chief PCol. Melecio Buslig Jr. bilang paghahanda sa darating na Undas.
Sa ginanap na QC Journalists Forum, sinabi ni Col. Buslig Jr., na aabot sa 4,700 personnel ng QC police ang ipakakalat sa mga sementeryo at kolumbaryo gayundin sa mga terminal ng bus, istasyon ng tren at sa major thoroughfares upang matiyak ang seguridad at kaligtasan ng mga mamamayan.
Bukod pa rito, sinabi pa ng QCPD director na maglalagay ng drone squadron para sa mas malawak na pagpapatrolya sa mga lugar na madalas dagsain ng tao sa tuwing Undas.
Kaugnay nito, sinabi pa ni Buslig na may itatalaga rin silang 70 police assistance desks sa iba’t ibang lugar sa QC para alalayan ang mga bibisita sa mga sementeryo at mga pasaherong magsisiuwian.
Katuwang din ng QCPD ang QC Transport and Traffic Management Department sa pagmamando ng trapiko.
Nakiusap naman ang QCPD sa mga magulang na may maliliit na bata at mga senior citizen na agahang magtungo sa mga sementeryo at huwag nang makipagsabayan sa peak ng bisita sa Nov. 1-2. Santi Celario