MANILA, Philippines – Nagbakbakan dahil sa away sa lupa, ang dalawang grupo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) nitong Miyerkules, Oktubre 30 sa Pagalungan, Maguindanao del Sur.
Labinglima ang naitalang patay sa naturang bakbakan habang anim naman ang sugatan, ayon sa Maguindanao del Sur Police.
Walang nadamay na sibilyan sa nangyaring insidente kung saan sangkot sa bakbakan ang grupo ng 105th at 108th Base Command ng MILF na nakipagbarilan sa grupong mula 129th at 128th Base command.
“Sa pag-iimbestiga, ito’y nagmula sa land conflict kung saan ito’y matagal nang issue sa nasabing lugar kung saan humantong nung Oct. 30 ang sagupaan nila,” pahayag ni Maguindanao del Sur Police Provincial Director P/Col. Roel Sermese sa panayam ng Teleradyo Serbisyo.
Dahil sa bakbakan, kinailangang ilikas ang 30 pamilya.
Ani Sermese, may naunang nang pag-uusap sa pagitan ng magkabilang partido sa tulong ng lokal na pamahalaan ng Pagalungan.
“Kaya lang may may dissatisfied siguro sa unang settlement o pag-uusap kaya nung Oct 30 siguro may nga di-pagkakaunawaan at nagsagupa itong dalawang grupo,” dagdag ni Sermese.
Inaalam na ng pamunuan ng MILF kung paano umabot karahasan ang naturang pag-uusap.
“Hihintayin po nila ang resulta ng pagiimbestiga ng MILF katuwang ang PNP at PH Army para mabigyan ng peaceful resolution.”
“Sana tumupad sila sa initial agreement upang mabigyan na ng tuldok itong problema sa land conflict na ito,” dagdag ng PNP official. RNT/JGC