MANILA, Philippines – Pinagbantaan ng kapitbahay kaya namaril, ito ang nakalap na impormasyon ng Philippine National Police kaugnay sa insidente ng pag-aresto kay John Wayne Sace kamakailan.
Sa panayam sa Teleradyo Serbisyo nitong Sabado, Nobyembre 2, sinabi ni Police Maj. Loreto Tigno ng Pasig City Police na nangyari ang pamamaril bandang 7:30 ng gabi nitong Oktubre 28 sa Feliciano St., Brgy. Sagad, Pasig City.
“Kapit-bahay, kaibigan niya yung biktima niya,” ani Tigno, sa panayam sa radyo.
“Ayon dun sa kanya, dahil daw may pagbabanta daw sa kanya yung biktima.”
Pinabulaanan ng kamag-anak ng biktima ang pahayag at sinabing walang ganitong kwento.
“Walang ganung klase ng kwento. Ang sabi nila involved daw ata sa droga. Parehas sila dahil si John Wayne at biktima nya ay nasa barangay watchlist dati.”
Sa pamamaril ay napatay ang 43-anyos na lalaking biktima. Nakuha ang limang basyo ng bala mula sa crime scene.
“Ang kategorya ng biktima ay user pero ito si John Wayne Sace asset po siya eh,” ani Tigno.
“Ayon sa aming pagsasaliksik nung bineperika sa Firearms and Explosives Division, lumalabas na wala po syang lisensya, wala siya — di siya licensed gun holder at wala syang baril na tinatago. Di po sya dapat nag iingat ng kahit anong klaseng baril dahil wala syang LTAP.”
Naaresto si Sace sa tulong ng CCTV footage at pagmonitor sa social media kung saan ito madalas na pumupunta, partikular na sa isang hotel sa Pasig City.
Kasalukuyang nakakulong si Sace sa Pasig City police station habang hinihintay ang commitment order para ilipat sa Bureau of Jail Management and Penology. RNT/JGC