MAGUINDANAO DEL SUR- Patay ang dalawang lalaki matapos na pagbabarilin ng mga armadong lalaki na nakasakay sa puting minivan sa national highway sa Brgy. Labu-Labu Mother, Shariff Aguak ng lalawigang ito kahapon, November 14.
Kinilala ng Shariff Aguak Municipal Police Station ang mga biktima na sina Johari Moksin at Hamod Moksin, parehong residente ng Brgy. Kulalo, Mamasapano, Maguindanao del Sur.
Sa inisyal na imbestigasyon, ang dalawang biktima ay nakasakay sa isang Honda Sports car at kasalukuyang bumibiyahe.
Pagdating sa pinangyarihan ng insidente, isang kulay puting minivan ang nag-overtake sa kanilang sasakyan at pagkatapos ay pinagbabaril sila ng mga armadong tao na nakasakay sa naturang sasakyan.
Isinugod sa ospital ang mga biktima ngunit idineklarang dead-on-arrival ng umatending doktor.
Narekober sa crime scene ang walong fired catridges ng hindi pa tukoy na klase ng baril na ginamit ng mga suspek.
Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad para alamin kung ano ang motibo sa krimen at tukuyin kung sino ang mga salarin. Rolando S. Gamoso