Home NATIONWIDE 2 kandidato, pinagpipilian ng DILG na susunod na BFP chief

2 kandidato, pinagpipilian ng DILG na susunod na BFP chief

153
0

MANILA, Philippines — Tinitingnan ng Department of the Interior and Local Government ang dalawang kandidato para maging susunod na hepe ng Bureau of Fire Protection sa gitna ng imbestigasyon sa umano’y korapsyon na kinasasangkutan ng kasalukuyang pinuno ng ahensya.

Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, hiniling ng DILG sa Office of the Ombudsman na isailalim sa preventive suspension si BFP chief Jesus Fernandez dahil sa alegasyong tumanggap ito ng halos P15 milyong kickback kaugnay ng procurement ng mahigit 100 ambulansya.

Sinabi ni Remulla na daraan sa mahigpit na vetting ang pagpili sa susunod na BFP chief, kabilang ang ilang round ng interviews at pagsusuri sa financial records, performance, at professional track record ng mga kandidato.

“We’re still determining kasi part 1 pa lang tayo. We’re going through 7 rounds of interviews. So maybe next week, ipapakita namin sa inyo yung results,” aniya.

Dagdag pa niya, may dalawang kandidato na umanong lumitaw bilang pinaka-promising matapos ang mga paunang panayam.

“Ngayong umaga meron kaming interview. Titingnan namin lahat ng kanilang financial records, performance records, at nakita namin itong dalawang mai-interview namin ay ang pinaka-promising na magiging bagong BFP chief,” ani Remulla.

Sumulat na rin ang DILG sa Office of the President of the Philippines upang irekomenda ang pag-relieve kay Fernandez sa puwesto habang hinihintay ang desisyon ng Ombudsman.

Binigyang-diin ni Remulla na kahit magretiro si Fernandez ay hindi ito makakaiwas sa pananagutan.

“Tuloy pa rin ang kaso. Retirement does not absolve you from allegations and for being tried for corruption. Hindi siya bulletproof vest para hindi ka makasuhan,” aniya.

Hinimok din ng kalihim ang publiko na iulat ang anumang iregularidad o pang-aabuso ng mga tauhan ng BFP, lalo na sa mga fire safety inspection.

“Kung merong pumuntang inspector sa inyo at kinukulit kayo, and beyond the ambit of their responsibilities, paki video ang sinasabi nila at itawag ninyo sa DILG. And I will personally take care of it,” ani Remulla.

Sa kabila ng isyu, sinabi ni Remulla na nananatiling mataas ang morale ng mga tauhan ng BFP at layunin ng mga reporma na mapanatili ang integridad ng ahensya. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here