MANILA, Philippines — Nagsampa ng reklamong graft sa Office of the Ombudsman ang isang transport group laban kay Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairperson Vigor Mendoza II at kay Anthony Quiambao ng Stradcom Corporation dahil sa umano’y iligal na paniningil ng P169 milyon na computer fees mula sa mga operator ng public utility vehicles (PUV).
Ayon sa Federated Land Transport Organizations of the Philippines, pinayagan umano ni Mendoza noong siya pa ang hepe ng Land Transportation Office ang Stradcom Corporation na maningil ng P169 computer fee kada transaksyon mula Enero 28, 2025 hanggang Pebrero 28, 2026.
Ayon sa grupo, umabot sa kabuuang P169 milyon ang nakolektang bayarin mula sa tinatayang isang milyong PUV na nakarehistro sa Stradcom IT system.
Sinabi ni FELTOP spokesperson Jun Braga na layunin ng kanilang reklamo na matiyak ang pananagutan at transparency, at maprotektahan ang maliliit na transport operators mula sa dagdag na gastusin.
Hiniling din ng grupo sa Ombudsman na magpatupad ng 90-araw na preventive suspension laban kay Mendoza at iparefund ang lahat ng computer fees na nakolekta mula sa mga operator simula Enero 28, 2025.
Itinanggi naman ni Mendoza ang mga paratang at iginiit na ipinatupad lamang niya ang mga repormang polisiya noong siya ay nasa LTO.
“Our aggressive policy reforms geared towards fast and comfortable services when I was still in the LTO cut deep into the interests of some individuals and groups that they still feel the sharp and biting pain of the effects until now, and therefore, could not move on,” ani Mendoza.
“Nevertheless, I respect and welcome the decision of the self-proclaimed transport group to bring the matter to the Office of the Ombudsman since this is the proper forum to shed light on this old and recycled issue,” dagdag niya.
Ayon pa kay Mendoza, personal na paghihiganti lamang umano ang dahilan ng reklamo laban sa kanya.
“This is not about accountability. This is plain and simple desperation to get even,” aniya.
Samantala, sinabi ng Stradcom Corporation na hindi pa nila natatanggap ang kopya ng reklamo ngunit handa silang tumugon at magsagawa ng kinakailangang legal na hakbang.
Iginiit din ng kumpanya na legal at may bisa ang kanilang concession agreement sa pamahalaan. Santi Celario