Home METRO 2 kawani ng munisipyo arestado sa pamamaril

2 kawani ng munisipyo arestado sa pamamaril

MULANAY, Quezon- Arestado ang dalawang kawani ng lokal na pamahalaan ng Mulanay matapos tambangan at barilin ang isang truck driver noong Biyernes sa bayang ito.

Nahaharap ngayon sa kasong frustrated murder ang suspek na si alyas Manolito, kawani ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) at isang security aide sa Office of the Mayor ng Mulanay.

Ginagamot naman sa ospital ang biktima na kilala sa alyas “Michael”, 33 at residente ng Brgy. Poblacion, Mulanay, Quezon.

Ayon kay kay Police Major Marlon Comia, hepe ng Mulanay Municipal Police Station, bandang alas-12 ng hatinggabi nang maganap ang insidente sa nasabing lugar.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ng biktima ang truck nang bigla na lamang siyang harangin ng mga suspek.

Bumaba ang biktima ng truck para tanungin ang mga suspek kung bakit hinarangan ang kalsada hanggang sa binaril na lamang ito.

Sa kabila ng tama ng baril sa kanyang hita ay nagawa pang makatakbo ng biktima subalit sinundan pa ito ng mga putok ng mga suspek.

Mabilis namang nakahingi ng tulong ang biktima sa kanyang mga kaanak at naisugod ito sa ospital para lapatan ng lunas.

Nadakip naman ang mga suspek sa isinagawang follow-up operation ng pulisya.

Inaalam na ng mga awtoridad ang motibo sa naturang insidente Mary Anne Sapico