Home METRO 2 kelot tiklo sa sextortion

2 kelot tiklo sa sextortion

CEBU CITY- Arestado ang dalawang indibidwal dahil sa umano’y paghingi ng pera mula sa isang babae kapalit ng pagbura sa sex videos ng biktima.

Nadakip sina Jaime Lisondra Ferrer Jr. at Raul Fajardo Dumagil sa isang entrapment operation na isinagawa ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation-Central Visayas (NBI-7) sa loob ng isang mall sa lugar na ito noong Martes ng gabi.

Nagpatulong ang abogado ng biktima sa NBI-7 matapos umanong humingi ng pera ng mga suspek mula sa kanyang kliyente kapalit ng hindi pagpapakalat at pagbura ng sexually explicit video ng biktima at partner nito.

Nakapagbigay na umano ang biktima ng P70,000 sa mga suspek.

Subalit, humirit pa ang mga ito ng karagdagang P1 milyon upang hindi ipakita ang video sa pamilya ng babae.

Ipinakita ng mga suspek ang video sa isa sa mga kaibigan ng biktima bago maisagawa ang operasyon.

Naaresto ang mga suspek matapos nilang tanggapin ang isang brown envelope na naglalaman ng P200,000 sa operasyon, base sa NBI-7.

Nagsampa na ng kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9995, kilala rin bilang Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009, in relation to RA 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012 laban sa mga suspek.

Gayundin, mahaharap ang mga suspek sa kasong robbery-extortion.

Sumailalim sila sa inquest proceedings sa harap ni City Assistant Prosecutor Jill Ann Paculaba-Gealon noong Huwebes ng umaga. RNT/SA