Home METRO 2 ‘killer’ sa gwapong basketbolista syut sa rehas

2 ‘killer’ sa gwapong basketbolista syut sa rehas

Bulacan – Arestado na ng pulisya ang dalawang suspek na umano’y bumaril at nakapatay sa isang 30 anyos na gwapong basketbolista sa bayan ng Obando.

Kinilala ng pulisya ang mga suspek na sina Lemuel Capistrano, 25, Obando Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) employee, (Backride/Gunman), residente ng Brgy. Lawa at Nomer Barliso, 28, (Motorcycle rider) ng Brgy. Paco.

Sa report ni Obando chief of police P/Maj. Mark Anthony Tiongson kay Bulacan Police director P/Col. Relly Arnedo, nahuli sa kanilang follow up at hot pursuit operation ang tinuturong gunman bandang 3:30 ng hapon nitong Hunyo 30 sa kanyang bahay.

Bandang 4:30 ng hapon naaaresto rin ng Obando police na nakipagkoordinasyon sa Northern Police District sa kaparehong petsa at operasyon ang rider sa 5th Avenue, Caloocan City.

Ayon sa report, ang dalawang naarestong suspek ang nakita sa CCTV at ng saksi na bumaril at nakapatay sa biktimang si Paul Meneses, 30, Obando MDRRMO employee, nitong 3:00 ng madaling araw, Hunyo 30 sa isang kainan sa Brgy. Paco.

Nabatid na natunton ng mga awtoridad ang motorsiklong Yamaha Aerox sa Brgy. Panginay, Balagtas na ginamit ng dalawang suspek sa pagtakas matapos ang pamamaril.

Sinasabing nananatiling umiikot sa babae ang nakikitang anggulo ng pulisya sa motibo ng naturang krimen.

Patuloy ang pagbuhos ng pakikiramay ng mga kakilala, kaanak, kaibigan at netizen sa biktimang lingkod-bayan, kilalang mabait, masiyahin, gwapo at mahusay na basketbolista sa naturang bayan. Dick Mirasol III