Home NATIONWIDE Panukala sa legislated wage hike, buhay na buhay pa – House Speaker

Panukala sa legislated wage hike, buhay na buhay pa – House Speaker

MANILA, Philippines – Hindi pa pinatay ang panukala para sa legislated wage hike, ayon kay House Speaker Martin Romualdez.

Sa panayam sa Teleradyo Serbisyo, sinabi ni Romualdez na kailangan lamang dumaan sa legislative process ang mga hakbang na ito kabilang ang pakikinig sa hinaing ng mga manggagawa, business groups, economic managers ng pamahalaan, at iba pang stakeholders upang makapagdesisyon ang Kamara.

“Oo, buhay,” ani Romualdez.

“Of course, but we go through the process. Maghi-hearing kami, and then we’ll also listen to the economic managers. And then we’ll roll out the results… Basta may issue, may clamor, or may concern, pakinggan natin lahat… Iba-balanse natin. Papakinggan natin,” dagdag pa niya.

Muling ipinanawagan ng mga mambabatas na ipasa na ang legislated wage hike sabay sabing kulang na kulang ang P35 increase na inaprubahan ng wage board para sa daily minimum wage sa mga pribadong manggagawa sa Metro Manila.

Noong Pebrero, inaprubahan ng Senado ang ikatlo at huling pagbasa sa panukalang P100 increase sa daily minimum wage ng mga manggagawa sa pribadong sector.

Samantala, nananatiling pending naman sa committee level ng Kamara ang P150-P170 across-the-board daily wage increase.

Siniguro naman ni House Committee on Labor and Employment Chairperson Fidel Nograles ng 4th District ng Rizal na patuloy na diringgin ng panel ang pending wage hike bill.

“Patuloy po natin paguusapan sa Kongreso ang panukalang wage increase. Ang nais natin ay makapaghanap ng magandang compromise na tutugon sa pangangailangan ng ating mga manggagawa, na hindi naman ikalulugi ng mga nagbibigay ng trabaho,” saad ni Nograles sa pahayag. RNT/JGC