Home NATIONWIDE 2 kongresista hinamon ni Isko na sumailalim sa lie detector test

2 kongresista hinamon ni Isko na sumailalim sa lie detector test

MANILA, Philippines – HINAMON ni Manila Mayor elect Isko Moreno Domagoso na sumalang sa “Lie-detector-test” sina 2nd District Congressman Rolan Valeriano at 3rd Dist. Cong. Joel Chua upang malaman kung sino sa kanila ang nagsisinungaling patungkol sa masasakit na salita na kanilang binitiwan kay Domagoso.

Sa panayam ng broadcaster mula sa Bilyonaryo channel, sinabi ni Domagoso na hindi makakain ang mga salitang binitiwan laban sa kanya ng dalawang kongresista noong panahon ng kampanya.

Ngunit nang maging panauhin umano si Cong. Chua sa nasabing programa ay sinabi nito na wala naman siyang masamang sinabi o ipinukol laban kay Domagoso na tahasang pinasinungalingan naman ng bagong alkalde ng lungsod.

“You’re fooling the viewers and the broadcasters. Be man enough, anyway tapos na ang halalan at least magkikita-kita pa rin naman tayo, e kung sa quadcomm ang tatapang ninyo pero sa telebisyon e di ko maintindihan, but pinatawad ko na kayo,” ani Domagoso patungkol sa mga nabanggit na kongresista.

Nilinaw naman ni Domagoso na ngayon lamang siya sumagot hinggil sa mga patutsada at mga paninira ng mga nabanggit na kongresista laban sa kanya dahil tapos na rin naman ang halalan at ayaw umano nitong maapektuhan ang pag-iisip ng mga Manilenyo bago ang halalan.

“So not to confuse the people base on emotional voting, I really wanted the people of Manila decide base on performance,” paliwanag ni Domagoso.

Samantala, nagbabala naman si Domagoso sa lahat ng mga nanalong kandidato lalo na ang mga naging katunggali nilang partido sa lungsod ng Maynila na huwag gagawa ng labag sa batas.

“It’s a fair warning to everyone. The people of Manila deserves better…. No abuse will be done by these congressmen under my watch –no! not a single day,” babala pa ni Domagoso.

Sa kabila nito, nanawagan si Domagoso na magkabati-bati na at mag-“move on” na silang lahat upang magkaisa at magtulong-tulong ang bawat Manilenyo upang maibalik ang sigla at kaunlaran ng Lungsod ng Maynila. JR Reyes