Home METRO 2 kongresista, iniugnay sa sindikato ng ilegal na sigarilyo — DILG

2 kongresista, iniugnay sa sindikato ng ilegal na sigarilyo — DILG

184
0

MANILA, Philippines – Iniimbestigahan ng mga awtoridad ang umano’y pagkakasangkot ng dalawang kongresista mula sa Luzon sa isang sindikato na, ayon kay Interior Secretary Juanito Victor Remulla, ay kumokontrol sa “buong ecosystem” ng ilegal na sigarilyo sa bansa—mula paggawa at transportasyon hanggang distribusyon at bentahan.

Batay sa intelligence reports, sinabi ni Remulla noong Huwebes na ang dalawang mambabatas ay pinaniniwalaang financiers ng malawakang operasyon na nadiskubre sa police raid sa isang cigarette factory sa Mexico, Pampanga noong Enero 28. Hindi muna niya pinangalanan ang mga ito dahil patuloy ang imbestigasyon.

Inilarawan ni Remulla ang sindikato bilang sopistikado at organisado, na may operasyon sa buong bansa.

Ang raid na isinagawa ng PNP–Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ay nagresulta sa pag-aresto sa anim na Chinese nationals at pagrescue sa 65 Pilipinong manggagawa, na itinuring na biktima ng human trafficking at involuntary servitude.

Nasamsam din ng pulisya ang tinatayang P400 milyong halaga ng ilegal na sigarilyo sa loob lamang ng isang araw, kasama ang tatlong cigarette-making machines at dalawang packing machines, bukod pa sa tone-toneladang dahon ng tabako, pekeng BIR tax stamps, at iba pang gamit.

Ayon kay Remulla, bawat makina ay kayang gumawa ng hanggang P150 milyon na halaga ng sigarilyo kada araw, o tinatayang P4.5 bilyon kada buwan. Nilinaw niyang ang mga sigarilyo ay ilegal at undocumented, ngunit hindi teknikal na smuggled dahil lokal na ginawa gamit ang pekeng tax stamps para umiwas sa excise tax.

“This is economic sabotage,” ani Remulla, at tinatayang P30 bilyon ang nawalang excise tax revenue ng gobyerno noong 2024—pondong dapat sana’y para sa kalusugan at serbisyong panlipunan.

Dagdag niya, ang pabrika sa Pampanga ay nagpapatakbo sa pangalang Samyoung Global Corp., na may tatlong Pilipino at dalawang Koreanong incorporators. Maaari silang managot sa ilalim ng Anti-Agricultural Sabotage Act at anti-trafficking laws, kung saan nonbailable ang mga kaso ng sabotage.

Sinabi rin na ang anim na Chinese suspects ay pumasok sa bansa bilang tourists. Isa ang dumating noong Marso 2025 bilang mekaniko ng mga makina, habang ang lima ay dumating noong Disyembre. Pinaniniwalaang nagsimula ang operasyon ng pabrika noong Enero 1 matapos ang ilang linggong covert surveillance.

“The machines are very large and difficult to move,” sabi ni Remulla. “This is not something you can just relocate overnight without being noticed.”

Ayon kay CIDG director Maj. Gen. Robert Alexander Morico II, dumaan sa inquest proceedings ang anim na Chinese noong Enero 30 dahil sa paglabag sa RA 9208 (Anti-Trafficking in Persons Act), at sasailalim sa preliminary investigation sa Pebrero 9.

Patuloy ding iniimbestigahan kung may pagkukulang ang mga local government units, kabilang kung may naibigay na permits o naisagawang inspeksyon.

“If permits were issued or inspections were conducted, then there is accountability there,” sabi niya. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here