Home NATIONWIDE 2 Koreano, 9 pa huli sa ilegal na pagmimina sa Butuan

2 Koreano, 9 pa huli sa ilegal na pagmimina sa Butuan

BUTUAN CITY – Dalawang Korean national at siyam na Pilipino ang inaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) dahil sa ilegal na pagmimina sa Barangay San Vicente, Butuan City noong Marso 21.

Ayon kay CIDG Director Maj. Gen. Nicolas Torre, kinilala ang mga Koreano na sina Joung Whan Oh at Young Gwan Mun, kasama ang mga Pilipinong sina alias John, Jenalyn, Herbert, Jenie, Noel, Macky, Beth, Marvin, at Elmer.

Nahuli ang grupo sa akto ng pagdadala ng 500 sako ng hinihinalang copper ore minerals na nagkakahalaga ng PHP700,000 gamit ang isang Hyundai trailer truck at Kia Bongo. Nabigo silang magpakita ng kaukulang mining permits at iba pang kinakailangang dokumento mula sa Mines and Geosciences Bureau (MGB) at Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Sasampahan ang mga suspek ng paglabag sa Sections 101 (illegal exploration), 103 (theft of minerals), at 110 (transporting minerals without a permit) ng Republic Act No. 7942 o Philippine Mining Act of 1995.

Pinaalala ni Torre na lahat ng yamang mineral sa pampubliko at pribadong lupain sa Pilipinas ay pag-aari ng estado. Dagdag niya, patuloy ang CIDG sa pagtugis sa mga lumalabag sa batas, lokal man o dayuhan, upang mapanatili ang tamang paggamit ng likas na yaman at maprotektahan ang kalikasan at mga apektadong komunidad.

Nanawagan din ang CIDG sa publiko na agad iulat ang anumang ilegal na aktibidad.