MANILA, Philippines – Nagbabala ang Food and Drug Administration (FDA) sa mga umiinom ng herbal dietary supplement na pampalakas ng libido pagkatapos ng pagsusuri sa ilang batch na nagpositibo sa sildenafil citrate, isang prescription drug na ginagamit sa paggamot sa erectile dysfunction sa mga lalaki, na ipinagbabawal sa mga food supplement.
Ang kilalang brand name ng gamot ay Viagra.
Ayon sa FDA Advisory No. 2025-0365 na nilagdaan ni FDA Director General Dr. Samuel Zacate, laboratory analyses ng Drivemax Plus Brand, ang herbal dietary supplement capsules na kabilang sa mga sumusunod na numero ng lot at petsa ng pag-expire ay nagpakita na ang mga ito ay naglalaman ng sildenafil citrate: 24581626 (Abril 5, 2026); 23521625 (Ago. 8, 2025); 23551625 (Nob. 8, 2025); at 24561626 (Ene. 22, 2026).
Inatasan ng FDA ang lahat ng law enforcement agencies at local government units na tiyaking hindi ibebenta ang mga nasabing produkto sa palengke o mga lugar na nasasakupan nila.
Ang mga umiinom ng mga adulterated na Drivemax capsules ay pinayuhan din na magpatingin sa doktor para sa alinman sa mga side effect na ito: pananakit ng ulo, pagtatae, pagkahilo o lightheadedness, urinary tract infection, priapism (prolonged erection), indigestion, nasal congestion, rashes, at pagbabago ng vision o biglaang pagkawala ng paningin.
Batay sa website nito, ang Drivemax ay isang dietary supplement para sa mga kalalakihan at kababaihan na idinisenyo upang mapahusay ang bumababang sexual performance sa pamamagitan ng mga natural na sangkap tulad ng horny goat weed, ginseng, Tribulus terrestris, tongkat ali, at Gingko biloba.(Jocelyn Tabangcura-Domenden)