COTABATO, Philippines – Arestado ang dalawang lalaki matapos makumpiskahan ng mga hindi lisensiyadong baril at hinihinalang ilegal na droga sa magkahiwalay na operasyon sa Midsayap, Cotabato at General Santos City nitong Biyernes, Nobyembre 27.
Ayon kay Police Regional Office 12 Director Brig. Gen. Alan Manibog, nagsasagawa ng checkpoint operation ang mga pulis dakong alas-1:30 ng madaling-araw nang tangkain ng isang motorista na umiwas sa mga awtoridad.
Hinabol at pinahinto ng mga pulis ang motorista. Sa inspeksiyon sa kaniyang motorsiklo, nakita sa utility box nito ang isang .45-caliber pistol, mga bala at isang sachet ng hinihinalang shabu.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Andot,” 25-anyos, residente ng Barangay Poblacion, Datu Piang, Maguindanao del Sur.
“Compliance with legitimate checkpoint operations is essential to maintaining peace, safety, and order in our communities,” ani Manibog.
Samantala, sa General Santos City, inaresto ang isang 34-anyos na lalaki matapos makumpiskahan ng hindi lisensiyadong .38-caliber pistol sa isinagawang search operation na may pahintulot ng korte sa kaniyang bahay sa Barangay Tambler, dakong alas-8:23 ng gabi.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Evan.” Nakuha rin sa kaniya ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P80,000.
“We will continue to intensify law enforcement efforts against individuals who violate lawful orders and regulations governing the ownership and carrying of firearms,” ani Manibog. RNT/MDS