Home METRO 2 lalaki arestado sa nakaw na motorsiklo, baril at patalim sa Malabon

2 lalaki arestado sa nakaw na motorsiklo, baril at patalim sa Malabon

MANILA, Philippines – BAGSAK sa kulungan ang dalawang lalaki matapos makuhanan ng baril at patalim makaraang masita ng mga pulis dahil walang suot na helmet habang magkaangkas sa isang nakaw na motosiklo sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Section 28 of RA 10591, BP 6, RA 4136, at RA 10054 ang naarestong mga suspek na sina alyas ‘Daweng’, 27 at 29-anyos na lalaki, kapwa residente ng Caloocan City.

Sa report ng Police Sub-Station 5 kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, dakong ala-1:30 ng hapon nang matiyempuhan nila ang mga suspek na kapwa walang suot na helmet habang magkaangkas sa isang motorsiklo sa Salinas St., Brgy., Longos.

Sa isinagawang beripikasyon ng pulisya, walang maipakita ang nagmamaneho na driver’s license o patunay na pagmamay-ari niya ang Yamaha Mio motorcycle.

Nang kapkapan, nakuha kay ‘Daweng’ ang isang kalibre .38 revolver na kargado ng apat na bala at walang kaukulang papeles habang nasamsam naman sa kanyang kasama ang isang patalim na naging dahilan upang posasan sila ng mga pulis.

Napag-alaman din ng pulisya na ang naturang motorsiklo ay ninakaw sa Caloocan City kaya pinayuhan ang may-ari nito na si Marwin Tabago na makipag-ugnayan sa Caloocan City para sa pagsasampa ng kaso. Rene Manahan