Home NATIONWIDE Cayetano tumanggi sa imbitasyon na miting kasama si Binay sa bagong Senate...

Cayetano tumanggi sa imbitasyon na miting kasama si Binay sa bagong Senate building

Nagtalo sina Senador Nancy Binay at Senador Alan Cayetano sa pagdinig ng Senado sa P21.7B project para sa bagong Senate building. CESAR MORALES

MANILA, Philippines – Tumanggi si Senador Alan Peter Cayetano sa imbitasyon ni Senador Nancy Binay at dating Senador Panfilo Lacson na pag-usapan ng tatlo ang mga isyu na may kaugnayan sa konstruksyon ng bagong Senate building.

Ito ang ibinahagi ni Binay isang araw matapos niyang makainitan si Cayetano sa pagdinig ng Senado sa gastos sa bagong Senate building.

Matatandaan na nag-walk out pa ang senadora mula sa pagdinig.

Si Cayetano ang kasalukuyang chairman ng Senate Committee on Accounts, habang sina Binay at Lacson ang dating pinuno ng naturang panel.

Sa panayam, iginiit ni Binay na naghihintay na lamang siyang lumapit si Cayetano at linawin ang mga isyu na sinabi nito kaugnay sa halaga ng gusali.

“I don’t think gusto niya akong kausapin [after yesterday’s hearing] kasi nga ‘di ba paulit-ulit kong sinasabi na nag-aantay lang tayo for a proper transition na mag-usap kami,” ani Binay.

“In fact, si Senator Lacson nag-send na siya ng message kay Senator Alan na mag-usap kaming tatlo bilang former chairpersons ng Committee on Accounts at siya naman ‘yung bago para mapag-usapan ‘yung building kasi may mga bahagi doon sa building na hindi during my term, and I think the best person to explain sa kanya is Senator Lacson,” dagdag pa niya.

“Kaya nga nilapitan natin si Senator Lacson na kung puwede mag-usap kaming tatlo at ‘yun nga nag-send out siya ng message kay Senator Alan and he declined the invitation,” pagpapatuloy ni Binay.

Wala pang tugon si Cayetano sa usaping ito.

Sa oras na tanggapin ni Cayetano ang imbitasyon, sinabi ni Binay na malilinaw nito ang lahat ng mga kinikwestyon na halaga ng konstruksyon.

Naglunsad si Cayetano ng imbestigasyon sa bagong Senate building matapos na ipag-utos ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang pagsusuri sa halaga ng konstruksyon na ngayon ay umaabot na sa P23 bilyon.

Itinanggi aman ni Binay na umabot na ng P23 bilyon ang halaga nito kundi P21 bilyon lamang.

Para naman kay Cayetano, iginiit itong kasama na sa halagang P23 bilyon ang P1.6 bilyon na ginastos sa pagbili ng lupa. RNT/JGC