Home METRO 2 Liberians kalaboso sa ‘black dollar scam’

2 Liberians kalaboso sa ‘black dollar scam’

MANILA, Philippines- Nadakip ng mga awtoridad ang dalawang Liberian nationals na sangkot sa “black dollar scam”.

Sinabi ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief Brig. Gen. Nicolas Torre III nitong Martes na ang dalawang suspek, kinilalang sina alyas Gorge at Johnson, ay naaresto sa isang motel sa Barangay Kamuning, Quezon City bandang alas-5:20 ng hapon noong Jan. 31.

Kapwa miyembro ng Black Dollar African Criminal Gang ang dalawang suspek na nagsasagawa ng modus sa Metro Manila at mga karatig-probinsya.

Sa “black dollar” scam, kinukumbinsi ang mga biktima na magbayad para sa mga kemikal na kailangan umano upang maging tunay na dolyar ang mga peke.

Ani Torre, nag-ugat ang operasyon sa reklamong inihain ng isang entrepreneur na kinilalang si Susana laban sa dalawang suspek na naghimok sa kanyang bumili ng mga kemikal na ito. Nagbayad umano ang biktima sa mga suspek ng halos P1.8 milyon.

Kabilang sa nasabat na ebidensya sa operasyon ang isang tunay na P1,000 bill, 20 pekeng US dollar bills, isang luggage bag, vault na naglalaman ng bulak at powdered chemicals, bunton ng green banknote-sized paper, ilang identification cards, at tatlong mobile phones.

Kasalukuyan silang nahaharap sa criminal charges sa paglabag sa Article 315 (Swindling/Estafa) at Article 168 (Illegal Possession and Use of False Treasury or Bank Notes and Other Instruments of Credit) in relation to Article 166 (Forging Treasury or Bank Notes) ng Revised Penal Code. RNT/SA