MANILA, Philippines — Dalawang lugar sa Mindanao ang inaasahang makararanas ng “danger” level na heat index sa Miyerkules, Abril 8, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa 5 p.m. forecast nito na inilabas noong Abril 7, sinabi ng Pagasa na posibleng umabot sa 42ºC ang heat index sa Cotabato City, Maguindanao at Butuan City, Agusan del Norte, na kapwa nasa ilalim ng kategoryang “danger.”
Ayon sa Pagasa, ang heat index ay ang “measure of the contribution that high humidity makes with abnormally high temperatures in reducing the body’s ability to cool itself.”
Ang heat index na mula 42ºC hanggang 51ºC ay itinuturing na “danger,” kung saan tumataas ang panganib ng heat cramps at heat exhaustion na maaaring mauwi sa heat stroke.
Bukod sa dalawang lugar na nasa danger category, marami ring bahagi ng bansa ang inaasahang makapagtatala ng “extreme caution” na heat index na nasa pagitan ng 33ºC hanggang 41ºC.
Sa Metro Manila, kapwa inaasahang aabot sa 37ºC ang heat index sa NAIA sa Pasay City at Science Garden sa Quezon City.
Kabilang din sa mga lugar na makapagtatala ng mataas na heat index ang Dagupan City, Pangasinan at Bacnotan, La Union na parehong nasa 40ºC; Tuguegarao, Cagayan na 40ºC; ISU Echague, Isabela na 38ºC; Baler at Casiguran sa Aurora na tig-39ºC; at TAU Camiling, Tarlac na 41ºC.
Sa Calabarzon, inaasahang aabot sa 41ºC ang Sangley Point sa Cavite City, Cavite, habang 39ºC naman sa Ambulong, Tanauan, Batangas. Sa Mimaropa, kapwa tinatayang aabot sa 40ºC ang Coron, Puerto Princesa City, at Cuyo sa Palawan.
Sa Bicol Region, kabilang sa mga inaasahang makararanas ng heat index na 39ºC hanggang 40ºC ang Legazpi City, CBSUA-Pili sa Camarines Sur, at Daet, Camarines Norte.
Sa Visayas, tinatayang aabot sa 40ºC ang heat index sa Iloilo City, 41ºC sa Dumangas, Iloilo, at 41ºC sa Guiuan, Eastern Samar. Inaasahan ding pumalo sa 41ºC ang Dipolog, Zamboanga del Norte, habang posibleng umabot sa 40ºC ang Zamboanga City.
Sa Northern Mindanao at mga karatig-lugar, forecast na nasa 39ºC ang CMU Agromet sa Musuan, Bukidnon, 40ºC sa Davao City, 39ºC sa General Santos City, at 40ºC sa Hinatuan, Surigao del Sur. RNT