MANILA, Philippines — Ilang barkong may watawat ng Pilipinas ang nakapasok na sa Strait of Hormuz matapos ang kasunduan ng Pilipinas at Iran para sa pagdaan sa mahalagang rutang pandagat, ayon kay Energy Secretary Sharon Garin.
Sa isinagawang online press conference, sinabi ni Garin na hindi pa langis ang karga ng mga naturang sasakyang-dagat kundi iba pang produkto gaya ng petrochemicals.
“What is important about the call of [Foreign Affairs Secretary Theresa Lazaro] with her Iranian counterpart is that hindi lang ‘yung tankers o vessels natin ang maki-clear, pati po yung products that are not in Philippine vessels but destined for the Philippines, and also po yung safe passage ng ating mga workers, mga crew ng mga vessels na ito,” dagdag pa ni Garin.
Ang Strait of Hormuz ay isang makitid na daanang-dagat na nag-uugnay sa Persian Gulf, Gulf of Oman, at Arabian Sea. Karaniwan itong dinaraanan ng ikalimang bahagi ng pandaigdigang suplay ng langis at liquefied natural gas, ngunit isinara ng Iran sa halos lahat ng barko kasunod ng mga pag-atake ng United States at Israel, ayon sa ulat.
Libo-libong Filipino seafarers pa rin ang nananatiling stranded sa mga barko sa Persian Gulf at sa Strait, at hindi pa kabilang dito ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa offshore facilities sa rehiyon.
Sinabi ni maritime expert Captain Edgardo V. Flores na masikip at delikado ang kalagayan sa lugar, lalo na sa bahaging malapit sa mga pasilidad ng Iran.
“So very narrow ‘yan… Marami rin ditong barko sa northern part ‘yan yung mga installations [It’s very narrow…there are also a lot of vessels in the norther part where the (Iranian) installations are],” ani maritime expert Captain Edgardo V. Flores.
Nagbabala rin si Flores, isang dating ship captain, sa posibilidad na maubusan ng suplay ang mga tripulanteng naipit sa lugar.
“[T]hey may run out of supplies, so what will happen to them? Who will provide them?” aniya,.
Nagbabala rin ang International Seafarers Action Center na hindi lamang mga stranded crew ang apektado ng krisis kundi maging ang trabaho at kita ng mga seafarer, kabilang ang mga nasa ibang ruta.
“Kasi mas kumakaunti ang voyage, kumakaunti ang trabaho…At yung mga gusto sanang bumaba… Natatakot sila sa blacklisting na baka hindi na sila pabalikin, kasi ang seafarers sa Pilipinas ay contractual,” ayon naman kay ISAC president Edwin Dela Cruz.
May ilan ding mga Pilipinong seafarer na ilang buwan nang naghahanap ng bagong assignment ngunit hindi pa rin nakakakuha ng trabaho.
Nauna nang sinabi ng Department of Migrant Workers na ginagawa nito ang lahat upang matulungan ang mga Filipino crewmembers na naapektuhan ng digmaan. Dave Baluyot