Home METRO 4 dinamba sa P51M tobats na nasamsam sa QC at Taguig

4 dinamba sa P51M tobats na nasamsam sa QC at Taguig

108
0

MANILA, Philippines — Apat na hinihinalang tulak ng ilegal na droga ang inaresto at tinatayang aabot sa P51 milyon na halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa magkahiwalay na anti-drug operations sa Quezon City at Taguig noong Lunes, ayon sa mga awtoridad.

Sinabi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na tatlong suspek ang nadakip sa isinagawang joint buy-bust operation dakong 2:50 p.m. sa Barangay Payatas, Quezon City.

Narekober mula sa kanila ang tinatayang 7 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P47.6 milyon.

Kinilala ng PDEA ang mga suspek sa pamamagitan lamang ng kanilang mga alyas na sina Ariel, 31; Eduard, 38; at Ibrahim, 45.

Sa hiwalay namang operasyon dakong 5 p.m. sa Barangay Maharlika, Taguig City, inaresto ng mga operatiba ng PDEA at pulisya ang isa pang suspek na kinilalang si Rasol, 40. Nasamsam mula sa kanya ang tinatayang 500 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang P3.4 milyon.

Ayon sa PDEA, mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 5 o sale of dangerous drugs at Section 11 o possession of dangerous drugs sa ilalim ng Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Muling iginiit ng ahensya ang pagpapatuloy ng pinaigting na anti-drug operations at hinikayat ang publiko na manatiling mapagmatyag at makipagtulungan sa pagre-report ng ilegal na aktibidad ng droga sa kanilang mga komunidad. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here