Home METRO 2 lungsod sa NCR, ‘crime-free’ ngayong Undas

2 lungsod sa NCR, ‘crime-free’ ngayong Undas

MANILA, Philippines- Walang naitalang krimen ngayong Undas sa dalawang lungsod sa Metro Manila.

Naging tahimik sa San Juan Public Cemetery sa pagbisita ng publiko sa sementeryo nitong All Saints’ Day. Tinatayang 200 indibidwal ang bumisita sa libingan pagsapit ng peak hours.

Walang naiulat na krimen o nakumpiskang ipinagbabawal na kagamitan sa sementeryo, na nanatiling bukas hanggang hatinggabi.

“Wala po tayong krimen na naitala. Wala rin tayong nakumpiska. Napaka peaceful po rito sa San Juan Cemetery,” ulat ni San Juan City Police substation 6 Deputy Commander Victoriano Reyes III.

“Reminder po sa ating mga pupunta sa San Juan Cemetery bawal po ang anumang matatalas at nakakapipinsalang bagay gaya ng patalim, baril. Bawal din ang nakakalasing na inumin at bawal din pong magdala ng radyo o anumang maiingay,” dagdag niya.

Matatagpuan sa San Juan cemetery ang Ejercito Mausoleum.

Sa Mandaluyong Public Cemetery, nakumpiska ng mga awtoridad ang 47 lighter at apat na sigarilyo.

Naging mapayapa rin sa sementeryo sa pagdaraos ng All Saints’ Day, kung saan walang naiulat na krimen, base sa mga awtoridad.

Bukas ang Mandaluyong Cemetery hanggang alas-10 ng gabi ngayong Huwebes. RNT/SA