Home METRO 2 magkaangkas patay sa poste ng UE

2 magkaangkas patay sa poste ng UE

Manila, Philippines – Nag-aaway umano ang dalawang indibidwal na biktima bago mangyari ang aksidente na nagresulta ng kanilang pagkamatay nang bumangga ang sinasabing motorsiklo sa poste ng gusali ng UE Annex University sa Recto,Maynila Miyerkules ng madaling araw.

Kinilala ang mga biktima na sina Tanggo, Abdul Hmid Galawan, driver at backrides nito na babae na si Ayoc, Ijay May, parehong nasa tamang edad, at pawang mga residente ng Camia Masagana Compound, San Miguel, Pasig City.

Sa imbestigasyon ng pulisya, binabaybay ng dalawa na magkaangkas sa motorsiklo ang bahagi ng Morayta Nicanor Reyes patawid ng Recto patungong Legarda.

Sinasabi ring nag-aaway umano ang dalawa habang binabaybay ang nasabing lugar hanggang sa bumangga na sila sa poste.

Sa lakas ng impact, nagtamo ng matinding pinsala na naging sanhi ng kanilang agarang pagkamatay.

Posible umanong magkasintahan o magkarelasyon ang dalawa.

Bandang alas-2:30 ng madaling araw nang dumating ang Manila DRRMO Ambulance sa pangunguna ni Osmindo Furio sa lugar upang suriin ang mga biktima ngunit wala itong buhay.

Kasalukuyan nakalagak ang labi ng dalawang biktima sa isang morgue sa C3.

Dumating at kinuha narin ng mga kaanak at kaibigan ng mga biktima ang motorsiklo na gamit sa aksidente, at hindi narin nagpaunlak ng pahayag sa pangyayari. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)