Home NATIONWIDE Bong Go sa youth leaders: Magmalasakit sa kapwa, sa bansa

Bong Go sa youth leaders: Magmalasakit sa kapwa, sa bansa

Ipinahayag ni Senador Christopher “Bong” Go ang kanyang pangakong patuloy na aalagaan ang susunod na henerasyon ng mga pinunong Pilipino sa pagbubukas ng seremonya ng Sangguniang Kabataan (SK) Iloilo Chapter Provincial Congress na ginanap sa SMX Convention Center sa Pasay City noong Lunes.

Pinasalamatan ni Go ang mga kabataan at pinuno ng SK Federation ng lalawigan ng Iloilo sa kanilang mainit na pagtanggap sa kanya. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng SK Congress bilang isang plataporma sa paghubog ng mga pinunong may kaalaman at mapagmalasakit.

“Sa pagtitipon na ito, sama-sama tayong naglalayong hubugin ang susunod na henerasyon ng mga lider na may kaalaman at malasakit sa ating bayan,” sabi ni Go.

Naniniwala si Go na kapag matibay at marangal ang pundasyon ng bagong henerasyon, tulad niya, ay magiging bisyo rin nila ang pagseserbisyo!

Naibahagi ko sa mga SK na sa unang yugto pa lang ng kanilang pagseserbisyo publiko ay kapakanan ng mahihirap na ang kanilang dapat unahin. Sa ganitong paraan, hinding-hindi sila magkakamali,” ani Go.

Bukod sa SK leaders ng Iloilo sa pangunguna ni Board Member Esara Javier, naroon din sina Senator Alan Cayetano, Cong. Lorenz Defensor, Gov. Art Defensor at Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano.

Bilang tagapagtaguyod para sa kabataan, tinalakay ni Go ang kanyang mga pagsisikap sa pambatasan na sumusuporta sa lokal na pamamahala at mga programa ng kabataan.

“Patuloy akong nagsusulong ng mga inisyatiba para sa ating mga barangay at SK. Nais kong bigyang-diin na palagi kong binibigyang halaga ang kapakanan ng ating mga barangay at kabataan,” dagdag ni Go.

Siya ay co-author ng Republic Act No. 11768, na ngayon ay nagbibigay ng buwanang honorarium at iba pang benepisyo sa mga pinuno ng SK, at naglalaan ng 10% ng pondo ng barangay para sa mga programa sa pagpapaunlad ng kabataan.

Binanggit din niya ang iba pa niyang legislative initiatives, kabilang ang paghahain ng Senate Bill No. 197, o ang Magna Carta for Barangays, na nagtitiyak ng suweldo at benepisyo para sa mga opisyal ng barangay kung maisasabatas.

Inihain din  niya ang Senate Bill No. 427, na nagmumungkahi ng komprehensibong benepisyo para sa Barangay Health Workers kung maisasabatas.

Ang tungkulin niya bilang chairman ng Senate committee on health ay naging mahalaga sa pagpapahusay ng mga serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan sa pamamagitan ng pagpapalawak ng Malasakit Centers, Super Health Centers, at Regional Specialty Centers. RNT