Home NATIONWIDE Harry Roque tumulong sa Porac POGO hub na muling mag-apply ng lisensya...

Harry Roque tumulong sa Porac POGO hub na muling mag-apply ng lisensya – PAGCOR chief

MANILA, Philippines – Pinangalanan ni Philippine Amusement Gaming Corporation (PAGCOR) chairman at CEO Alejandro Tengco nitong Miyerkules, Hulyo 10, si dating presidential spokesperson Harry Roque bilang ang tumulong sa kamakailang ni-raid na POGO firm sa Porac, Pampanga na muling mag-apply ng lisensya.

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senado sa mga POGO hub na ni-raid, ikinuwento ni Tengco na noong Hulyo 2023, sinamahan ni Roque si Katherine Cassandra Li Ong, ang awtorisadong kinatawan ng Lucky South 99, sa isang pulong sa kanyang tanggapan para pag-usapan ang mga “problema” tungkol sa billing ng POGO firm mula sa PAGCOR.

Hindi na public official si Roque nang mangyari ang pagpupulong.

Ayon kay Tengco, hiniling sa kanya nina Roque at Ong na bigyan ng pagkakataon ang POGO firm na bayaran ang kanilang atraso sa loob ng anim na buwan na nagkakahalaga ng humigit-kumulang US$500,000, na binayaran na nila sa pamamagitan ni Dennis Cunanan, ngunit hindi natanggap ng PAGCOR.

Bukod diyan, sinabi ni Tengco na hiniling nina Roque at Ong ang muling aplikasyon ng POGO firm license dahil nakatakda itong mag-expire sa oras na iyon.

Sinabi ni PAGCOR Offshore Gaming Licensing Department head Jessa Fernandez, na kasama ni Tengco sa pagpupulong, na anim na beses siyang nakipag-ugnayan kay Roque para sundan ang muling pag-apply ng lisensya ng Lucky South 99.

Sa kabilang banda, parehong nilinaw nina Tengco at Fernandez na hindi sila pinipilit ni Roque na ibigay ang lisensya sa nasabing POGO firm.

“Liliwanagin ko rin. Si Secretary Roque po’y nandun. Hindi naman po siya nag-pre-pressure. Siya lang din po ay nakikiusap na kung maaari lang ay matulungan ‘yung si Cassandra Ong,” paglilinaw ni Tengco.

“Hindi po siya namememwersa. Nakikiusap po siya at very light po naman ang mga usapan namin. Sabi nga niya, sinamahan ko ito at aggrieved party daw,” aniya pa.

Sinabi ni Fernandez na hindi rin hiniling ni Roque sa PAGCOR na mag-isyu ito ng permit sa Lucky South 99.

Tinanong din ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada kung ginagawa lang ba ni Roque ang kanyang trabaho bilang legal counsel ng Lucky South 99, na sinagot ni Tengco, “Maaari pong ganon.”

Ayon kay Tengco, pinangalanan si Roque bilang pinuno ng legal department ng Lucky South 99 batay sa organizational chart ng POGO firm na isinumite para sa kanilang muling pag-apply ng lisensya.

Sinabi ni Fernandez na tinanggihan ang muling pag-aplay ng lisensya ng Lucky South 99 dahil nakakita sila ng mga dahilan upang hindi sila i-renew.

Noong Hunyo, sinabi ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na nakakita sila ng sulat na may pangalan ni Roque sa pagsisiyasat sa Porac POGO hub.

Sinabi ni PAOCC Undersecretary Gilbert Cruz na ang sulat ay may petsya noong 2021.

Sinabi ni PAOCC spokesperson Winston John Casio na nagsilbi si Roque bilang abogado ng Whirlwind Corporation na siyang kumpanyang nagpaupa ng ari-arian nito sa Lucky South 99. RNT