Home METRO NPA leader utas sa tropa ng gobyerno

NPA leader utas sa tropa ng gobyerno

LEGAZPI CITY – Patay ang isang mataas na opisyal ng New People’s Army (NPA) sa engkwentro sa tropa ng gobyerno sa Tinambac, Camarines Sur nitong Lunes, Hulyo 8, ayon sa 9th Infantry Division (9ID) ng Philippine Army.

Sa isang ulat, kinilala ni Maj. Frank Roldan, 9ID Public Affairs Unit chief, ang napatay na rebelde na si Vergel Balcueva (alias Disan/Joey/James), pinuno ng Front Operational Command ng Sub-Regional Committee-2.

“Ang palitan ng putok ay tumagal ng 10 minuto bago si Balcueva ay inabandona ng mga tumatakas na kasamahan. Isang M16 rifle at mga personal na gamit din ang naiwan sa lugar,” aniya.

Sinabi ni Roldan na si Balcueva ay nakalista rin bilang isang wanted person para sa maraming kaso, kabilang ang dalawang frustrated murder, illegal possession of firearms, ammunition and explosives, at paglabag sa Republic Act 9851 o ang Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide at iba pang mga krimen laban sa sangkatauhan.

“Walang nasugatan o iba pang nasawi ang naiulat ng gobyerno o ng mga residente sa lugar,” dagdag niya.

Sinabi ni Roldan na pagkamatay ni Balcueva, inaasahan ng 9ID na susuko at babalik sa gobyerno ang natitirang miyembro ng NPA, na lalong magpapahina sa grupo. RNT