Home METRO 2 magnanakaw ng kable ng kuryente arestado, 1 sugatan

2 magnanakaw ng kable ng kuryente arestado, 1 sugatan

MANILA, Philippines- Dalawang hinihinalang magnanakaw ng kable ng kuryente ang naaresto kabilang ang isang sugatan, makaraang makipagpalitan ng putok sa mga awtoridad kaninang madaling araw sa lungsod ng Biñan, Laguna.

Ang dalawang nasakoteng suspek ay kinilala sa alyas na Angelo at Jejomar, pawang nasa hustong gulang at residente ng lungsod ng San Pedro ng naturang probinsya.

Base sa inisyal na report ni PCol. Ricardo Dalmacia, Provincial Director ng Laguna PNP, kay PBGen. Paul Kenneth T. Lucas, Regional Director ng PRO4 Calabarzon, dakong alas-2:10 kaninang madaling araw nang humingi ng tulong ang dalawang security guard sa Biñan City Police Station hinggil sa dalawang suspek na patuloy umanong himahabol ng mga gwardiya.

Napag-alaman na mabilis na kumilos ang mga miyembro ng SWAT Team ng Biñan City na humantong sa engkwentro na ikinasugat ng suspek na si Angelo na nagtamo ng tama ng bala sa kaliwang ibabang bahagi ng tiyan na patuloy na ginagamot sa pinakamalapit na pagamutan habang agad na naaresto ang kasama nito na si Jejomar (suspek).

Narekober sa mga suspek ang mga tinangay na electric wire na humigit-kumulang P50,000, habang nakuha rin sa mga suspek ang ginamit na cutting wire at isang kalibre 38 revolver na walang serial number.

“Pinupuri ko ang Biñan CCPS sa kanilang mabilis na pagtugon na nagresulta sa agarang pagkaaresto ng mga kawatan at sa walang pag-aalinlangan na pagganap sa kanilang sinumpaang tungkulin,” ayon kay PCol Dalmacia. Ellen Apostol