Home METRO Bigtime tulak patay matapos manlaban

Bigtime tulak patay matapos manlaban

Image Representation Only

TACLOBAN CITY- Patay ang isang notoryus na drug dealer at no. 1 sa listahan ng regional priority target list sa Eastern Visayas, matapos umanong manlaban sa mga pulis habang inihain ang search warrant sa bahay nito, iniulat kaninang umaga sa Calbayog City.

Ang napatay na suspek ay kilala sa pangalan Nex, 31, construction worker habang nadakip naman ang kinakasama nitong si Lalay, 27, at nasa street-level individual.

Ayon sa pulisya, bitbit nila ang search warrant sa bahay ni Nex para sa paglabag sa Section 11 (possession), Article 2, of Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na ipinalabas ng Calbayog Regional Trial Court.

Subalit sa halip na sumuko ang suspek, kumuha umano ito ng shotgun at pinaputukan ang operatiba dahilan para napilitan gumanti ng putok ang mga pulis at tinamaan ang suspek.

Isinugod naman sa ospital ang suspek subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ito ng hininga.

Sinabi ng pulisya na isa rin umano sa mga kasapi ng Magbutay Criminal Gang, na high-value individual sa pagbebenta ng ilegal na droga at ex-convict.

Nakuha kay Nex ang dalawang pakete na naglalaman ng shabu, pera at narekober din kay Lalay ang pakete ng shabu.

Tinatayang aabot sa P442,000 ang halaga ng kabuuang 65 gramo na nasamsam na shabu.

Nakuha rin sa bahay ng suspek ang iba’t ibang klase ng armas at mga bala. Mary Anne Sapico