MANILA, Philippines- Sugatan ang pitong katao matapos araruhin ng pampasaherong jeep ang walong sasakyan sa Caloocan City.
Mabilis na isinugod ng mga tauhan ng barangay sa lugar ang mga biktima sa pagamutan kabilang ang isang 17-anyos na binatilyo nakatayo lamang sa lugar nang mahagip at pumailalim sa jeep.
Sa tinanggap na ulat ni Caloocan Police Chief P/Col. Edcille Canlas, nangyari ang insidente pasado alas-9 ng gabi habang tinatahak ng pampasaherong jeep ang kahabaan ng Samson Road mula Monumento patungo sa area ng Malabon City.
Pagsapit sa Brgy. 73, dito na nawalan ng preno ang jeep at sinalpok ang isang nagbibisikleta, dalawang pampasaherong jeep, dalawang motorsiklo, isang kotse at dalawang pedicab, hanggang mahagip ang binatilyong pedestrian at ang siomai cart sa gilid ng bangketa.
Handa namang sagutin ng operator ng pampasaherong jeep ang gastos sa pagpapagamot sa mga biktima, pati na ang pagpapagawa sa mga nasirang sasakyan habang mahaharap naman sa kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injuries at multiple damage to properties ang driver ng jeep sa Caloocan City Prosecutor’s Office. Rene Manahan