Bulacan – Patay ang dalawang binatilyong magpinsan matapos tangayin ng malakas na agos hanggang sa tuluyang lamunin ng ilog sa bayan ng Angat.
Kinilala ang mga kalunos-lunos na biktima na sina Jonathan James Retobado, 15 at Jerome Chavez, kapwa estudyante at residente ng Sitio Buga, Brgy. Sta Elena, Hagonoy.
Sa report ng Angat police, nangyari ang insidente nitong Linggo ng umaga, Hulyo 21 sa Angat river, Sitio Pupog, Brgy. Santa Cruz, Angat.
Ayon sa imbestigasyon, masayang nagtatampisaw si Jonathan kasama ang kaibigang nagngangalang John Patrick nang biglang tangayin ng malakas na agos papunta sa malalim na parte ng ilog.
Nang makita ni Jerome ang nangyari ay agad sinaklolohan ang dalawa subalit sa kasawiang palad ay nalunod siya at si James dahil sa malakas na current sa ilalim ng ilog.
Masuwerteng nakaligtas naman si John Patrick nang puwersahang lumangoy hanggang sa mapadpad sa mababaw na parte ng ilog sakop ng Brgy. Laog.
Nabatid na nang makuha ng ilang concerned citizen ang dalawang nalunod ay agad dinala ng rescue team sa Angat Rural Health Unit subalit binawian na sila ng buhay.
Sinasabing ang dalawang biktima ay magpinsan na kapwa miyembro ng choir sa kanilang simbahan at nagbakasyon lamang sa kaanak sa bayan ng Angat.
Bumuhos ang pakikiramay ng mga netizen, kaanak, kaibigan, kaklase at kasamahan sa simbahan sa mga naulila. Dick Mirasol III