MANILA, Philippines – Isang 47-anyos na babae ang pinagtataga ng kanyang mister sa harap mismo ng anak nito makaraang magtalo dahil sa selos sa Indang, Cavite.
Sa report, kinilala ang biktima na si alyas Rosalie, may-live-in partner ng Brgy Kayquit 1, ng nasabing bayan na nagtamo ng taga sa ulo mula sa isang jungle bolo na naging sanhi ng ikinamatay nito.
Naaresto naman sa follow-up operation ang live in partner ng biktima na si alyas Willy, 40, magsasaka na nakatira sa nabanggit na lugar.
Sa ginawang imbestigasyon ng pulisya, bandang alas-8:30 ng gabi nang nakatanggap ng tawag ang Indang Municipal Police Station hinggil sa natagpuang babae na wala nang buhay sa isang sementadong daan sa lugar ng pinangyarihan ng krimen.
Mabilis namang rumesponde sa lugar ang otoridad rito kung saan natagpuan ang biktima na nakahandusay at wala nang buhay.
Napag-alaman na naglalakad ang mag-live in partner kasama ang kanilang 14-anyos na anak na babae patungo sa kanilang kubo sa nasabing lugar nang nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo na humantong sa pananaga ng lalaki sa biktima.
Nabatid na madalas umanong sitahin ng suspek ang kanyang misis dahil sa pag-aayos nito sa katawan at pagkokolerete at muling naulit ang paninita ng suspek ng lasing ito na humantong sa pagtatalo kung saan isinagawa ng suspek ang pagpatay.
Naaresto naman ang suspek sa follow up operation ng pulisya kung saan narekober ang jungle bolo na ginamit sa krimen. Margie Bautista