MANILA, Philippines – NAGLAAN ang administrasyong Marcos ng pondo para sa adjustments ng sahod ng mga empleyado ng gobyerno.
Nag-commit din ang pamahalaan ng karagdagang benepisyo para sa mga ito.
“Para naman sa ating mga kawani ng gobyerno, mayroon silang maaasahang medical allowance bilang karagdagang benepisyo sa susunod na taon,” ang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.sa kanyang ikatlong State Of the Nation Address (SONA) sa Batasang Pambansa sa Quezon City.
“At hindi lamang iyon. Mayroon ding napipintong umento sa suweldo na makukuha nila sa apat na tranches. Naglaan na tayo ng pondo para rito simula sa taong ito at sa mga susunod na taon,” ayon pa rin sa Chief Executive.
Winika ni Pangulong Marcos na pinalawig ng kanyang administrasyon ang serbisyo ng mga job order at contract of service personnel na nagta-trabaho sa gobyerno.
”This will also afford them ample opportunity to work on their civil service eligibility, while gaining additional relevant experience and training to upgrade their employment qualifications,” aniya pa rin.
Nauna rito, sinabi ng Department of Budget and Management (DBM) na target nito na makumpleto ang pag-aaral sa posibleng umento sa sahod ng mga empleyado ng gobyerno sa katapusan ng Hunyo ng kasalukuyang taon.
Sa ngayon, isinasapinal na ng Compensation and Benefits Study ang salary adjustments para sa mga manggagawa ng gobyerno.
Ayon sa DBM, masusing pinagaaralan ang iba’t ibang mga aspeto ng kasalukuyang compensation system kabilang ang mga sahod, mga benepisyo at allowances para matukoy ang mga dapat pang pag ibayuhin.
Ang magiging resulta din ng pag-aaral ay siyang magiging basehan para gawin ang kinakailangang mga pagbabago sa Total Compensation Framework ng civilian government personnel para matiyak ang patas at napapanahong salary adjustment para sa mga empleyado ng gobyerno.
Sa oras na matapos na ang pag-aaral, iprepresenta ang mga resulta sa DBM at sa Governance Commission of GOCCs. Kris Jose