KORONADAL CITY — Tatlong kabataan, kabilang ang dalawang 16-anyos, ang naaresto sa magkahiwalay na operasyon sa South Cotabato kaugnay ng umano’y pagbabanta at pananakot sa social media, ayon kay Governor Reynaldo Tamayo Jr.
Sinabi ni Tamayo na natunton ng mga awtoridad ang dalawang menor de edad sa Barangay Lamian, Surallah nitong Linggo matapos ma-trace ang mga threatening content na kanilang umano’y ipinost online.
Inihahanda na ang mga posibleng kaso laban sa dalawa, ngunit sinabi ng gobernador na kailangan munang dumaan sa kaukulang proseso sa Department of Social Welfare and Development dahil menor de edad ang mga ito.
Sa hiwalay na operasyon dakong alas-9 ng gabi, inaresto rin sa Tupi ang 18-anyos na si Aladin Laki matapos umano itong mag-post ng video kung saan makikitang may hawak siyang baril.
Kasunod ito ng mga ulat ng pagbabanta laban sa mga paaralan sa Surallah na nagtulak sa lokal na pamahalaan na suspindihin ang face-to-face classes ngayong Lunes habang bina-validate ng pulisya ang mga kumakalat na banta online.
Nagbabala si Tamayo laban sa paggawa at pagpapakalat ng mga content na maaaring magdulot ng takot sa mga estudyante, magulang at komunidad, at hinimok ang mga magulang na bantayang mabuti ang online activities ng kanilang mga anak.
Patuloy ding iniimbestigahan ng mga awtoridad ang online activities na maaaring may kaugnayan sa pamamaril sa Banga National High School noong Setyembre 18. RNT