MANILA, Philippines — Nilinaw ni Naga City Mayor Leni Robredo kung saan ilalaan ang P500 milyong grant mula sa national government matapos kuwestiyunin ni Caloocan Rep. Edgar “Egay” Erice ang pondong ibinigay sa lungsod.
Sa Facebook post, sinabi ni Robredo na P450 milyon ang ilalaan sa rehabilitasyon at retrofitting ng Jesse M. Robredo Coliseum habang P50 milyon naman ang gagamitin sa pagbili ng heavy equipment para sa disaster response.
Ayon kay Robredo, ang coliseum, na itinayo noong 2009 at binuksan noong 2010, ay nagsisilbi na ring pinakamalaking evacuation center ng Naga tuwing may kalamidad kahit hindi ito orihinal na idinisenyo para sa naturang gamit.
Sinabi niyang kulang ang pasilidad sa mga pangunahing kailangan ng evacuees, kabilang ang sapat na lugar para sa mga tent, communal kitchens, storage area para sa relief goods at mga comfort room na magagamit kahit may pagbaha.
Matapos ang pananalasa ng Bagyong Kristine, sinabi ni Robredo na lalo nilang nakita ang pangangailangang ipaayos at i-retrofit ang gusali.
Aniya, matapos siyang manungkulan bilang alkalde noong 2025 ay naghanap na ang lungsod ng mapagkukunan ng pondo at kalaunan ay nag-apply sa Local Government Support Fund.








