Home METRO 2 menor, 97-anyos patay sa sunog sa Lanao at Isabela

2 menor, 97-anyos patay sa sunog sa Lanao at Isabela

ILIGAN CITY – Patay ang dalawang menor de edad at isang 97-anyos na senior citizen sa magkahiwalay na sunog na sumiklab sa Lanao del Norte at sa San Mateo, Isabela.

Base sa ulat ni Police Capt. Eric Logroño, hepe ng Kolambugan police, apat at anim na taong gulang ang mga biktima na nasawi sa Purok 4, Barangay Titunod, Kolambugan, Lanao del Norte noong Linggo ng gabi, Enero 7.

Nawalan naman ng tirahan ang 37 pamilya at nawasak ang 36 na bahay, 31 dito ang ganap at anim na bahagyang nasira.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na nagsimula ang sunog sa “abuhan” (cooking area) sa isa sa mga bahay.

Umabot sa ikatlong alarma ang sunog alas-11:07 ng gabi. at nagdeklara ng fire out bandang 12:49 ng umaga noong Lunes, Enero 8.

Samantala, nasunog ang isang nakaratay na 97-anyos na babae sa sunog na sumiklab sa kanyang bahay sa Purok 3, Barangay Sinamar Norte, nitong bayang ito, noong Linggo, Enero 7.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Saturnina Guray.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na naglalaro umano ng lighter sa loob ng bahay ang isang limang taong gulang na batang lalaki.

Nagliyab umano ang kurtina na nagresulta sa pagkalat ng apoy sa bahay. Ang mga sunog na labi ng biktima ay natagpuan ng mga bumbero. RNT